Kalayaan, Pero Ano?

(Isang talumpati na binigkas sa pagdiriwang ng ika-119 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, ika-12 ng Hunyo, 2017 sa SM-Baliwag, Bulacan)
Bago ako dumalo sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa SM Baliwag, ay dumalo muna ako sa sabayang pag-awit ng pambansang awit sa lumang munisipiyo ng Baliwag, Bulacan. Ang larawan ay kuha ni G. Boyet Aguila Luna.







Magandang umaga sa inyong lahat. Maligayang pagdiriwang ng ika-119 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas!

Taong 1997 nang ako’y nagtapos ng Bachelor of Arts in History sa Mindanao State University, Marawi City. Sa taong yaon ay sariwa pa ang pagdiriwang ng Sentenaryo ng Rebolusyong Pilipino, 1996, at ang sumunod na taon, 1998, ay Sentenaryo naman ng Kalayaan.

Noon pa man ay lagi ko nang itinatanong sa aking sarili: Ano ba ang halaga at saysay ng isang bansang malaya? At kung makabuluhan ba ang mga naging sakripisyo ng ating mga bayani? Ayon kay Elias, isa sa mga tauhan sa dakilang aklat na Noli Me Tangere:

“Mamamatay akong hindi man lang makikita ang ningning ng bukang-liwayway sa aking Bayan. Kayong mga makakakita, salubungin ninyo siya at huwag ninyong kalimutan ang mga taong nalugmok sa dilim ng gabi.”

Ngayong Araw ng Kalayaan, balikan nating muli ang mga adhikain ng ating mga bayani - mga taong nalugmok sa dilim ng gabi - noong panahon ng himagsikan laban sa mga Espanyol. Ano nga ba ang ipinaglalaban ng ating mga ninuno? Sino ba talaga ang ating kalaban?

Hindi lingid sa ating kaalaman na ang mundong kanilang ginagalawan ay pinamumunuan ng pamahalaang walang direksiyon, tadtad sa kurapsiyon, katiwalian, pagmamalabis, kahirapan, imoralidad, kamangmangan at walang humpay na opresyon at patayan.

Kaya, pangunahin sa mga ipinaglalaban ng ating mga ninuno ay pagbabago. Pagbabagong pampulitika, pang-ekonomiya, pangrelihiyon, pang-edukasyon, at iba pang pagbabagong panlipunan. Ang maingay at mapanganib ngunit mapayapang pakikibakang ito ay makikita sa mga akda, buhay at gawa ng ating mga bayani sa panahon na kilala sa kasaysayan bilang Propaganda.

Ngunit, nang ito’y hindi napagbigyan, hinangad na nila ang kalayaan. Naghimagsik sila, pinalayas ang mga mananakop na dayuhan. At tayo ngayon ang nakatamasa ng kalayaan - ang ningning ng bukang-liwayway sa ating Bayan.

Lumawig man ang pakikipaglaban para sa kalayaan dahil sa iba pang mananakop na sunod-sunod na gumahasa sa likas na yaman ng ating bayan, nakamit pa rin natin ang kasarinlan noong 1946. Ngunit, pagkatapos ano? Pilipino na ang namuno. Pero, ano, nagkaroon ba ng pagbabago? Nandoon pa rin ang kurapsiyon, nandoon pa rin ang kawalan ng direksiyon at kamangmangan sa pamumuno. Sabi nga nila, ang gobyerno ay ang tagapangasiwa ng ating bansa, tungkulin nito ang pagpapanatili sa kaayusan ng ating bayan. Ngunit maayos ba ang ating bayan? Kabi-kabila ang mga gulo at kontrobersiyang kinakaharap ng ating gobyerno at bansa.

Kung tutuusin ay ito rin ang mga suliranin na nais nating iwaksi sa ating bayan noong panahon ng himagsikan. Kurapsiyon, opresyon, pagmamalabis at kamangmangan ang siyang mga tunay nating kalaban. Kaya, halos wala ring kabuluhan ang natamong kalayaan. Nagpalit lang tayo ng pamunuan, pero parehong mga aso rin, nagdamit-tao lang. Mahirap lumaya sa mga kamay ng mga taong nagmamakapangyarihan at kung umasta tila sila ang nagmamay-ari sa bayan. Walang halaga ang kalayaan kung namumuno ay hindi matuwid. Dahil malaya nga tayo, kurakot din naman ang ipinalit natin sa mananakop, eh di, wala ring saysay.

Anu-ano ang ating mga ninanais? 

Nais natin ng pamahalaang transparent, yaong walang tinatago. Lahat ng kaniyang mga pasya ay maaaring busisihin ng kahit ninuman. Ang kaniyang mga desisyon ay para sa kapakanan ng mas nakararami at hindi naaayon sa interes ng iilan.

Nais natin ng isang matalino at matinong pamahalaan, may direksiyon, may plano at may paninindigan. Pamahalaang bukas sa mga kuro-kuro ng iba. Pamahalaang may tiwala sa sarili, kayang humarap sa anumang kritisismo dahil wala itong kinasasangkutang anomalya. Pamahalaang tunay na nagmamahal sa bayan.

Masuwerte tayo dito sa Bayan ng Baliwag, Bulacan at ang Pamahalaang Bayan ngayon ay nagsusumikap upang maingat ang antas serbisyo publiko tungo sa ika-uunland ng lahat. Ang pamunuan ngayon ay matalino, masigasig, maabilidad at may direksiyon. Ngunit hindi lahat ng mga bayan sa Pilipinas ay kasing swerte ng Baliwag. Marami ay lugmok pa rin sa tradisyonal na pamumulitika.

Mangako Tayo sa Isa’t-isa.

Kung kaya’t mangako tayo sa isa’t isa, na sa susunod na halalan, iboto na natin ang mga nararapat. Bumuto ng tama at huwag ipagbili ang ating mga boto. Pumili ng mga pinuno na hindi pera ang pinaiiral, kundi ang galing at talino. 

Mangako tayo sa isa’t isa na magsasalita tayo laban sa katiwalian at pagsasamantala. Mangako tayo sa isa’t isa na magsisipag tayo at gawin ang lahat upang umangat ang kabuhayan para sa sarili, sa pamilya at sa bayan.

Dahil kung hindi, walang saysay ang sakripisyon ng ating mga bayani, walang kabuluhan ang kanilang kamatayan, walang halaga ang ipinagdiriwang natin ngayon na Araw ng Kalayaan.

Hanggang dito nalang, Mabuhay ang Republika ng Pilipinas! Mabuhay tayong lahat! Patnubayan nawa tayo ng Panginoon sa ating mga mithiin.
Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa SM Baliwag ay dinalohan ng mga pinuno at kawani ng SM Baliwag, Bulacan, ang bagong pamunuan ng SAMPAKA  o Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan, atbp. Ang larawan ay hango sa mga kuha ni Batang Baliwag.



Comments

Popular posts from this blog

Ang Kalakalang Ilawud-iIaya sa Agusan Noong Panahon ng mga Espanyol

Kabataang Mula sa K to 12 Tagapagdala ng Kaunlaran sa Buong Pilipinas