Ang Kalakalang Ilawud-iIaya sa Agusan Noong Panahon ng mga Espanyol



A. Panimula

Noong 1992, habang ako ay na sa huling taon ng aking pag-aaral sa Mataas na Paraalan sa Urios College, dito sa Butuan, nagkaroon ako pagkakataong makausap ang isang kaibigan ng aking Pamilya na si Rose Tugay Sanchez, isang Manobo na tubong Guadalupe, Esperanza, Agusan del Sur. Pinag-uusapan namin ang kanyang maliit na negosyong pangangahoy sa ilaya. Lagi niyang binabanggit ang salitang ilaya, kaya naman minabuti kong linawin mula sa kanya ang konseptong ito.
Asa man nang Municpality of Ilaya te? (Tita, saan po yang Bayan ng Ilaya?)
Pinagtawanan niya ang aking kamusmusan at niliwanag na ang salitang ilaya ay nangangahulugang doon sa bandang itaas.
Naging pamanahonang papel ko sa mataas na paaralan ang mga Manobo at ang usaping paglaganap ng Kristiyanismo sa Agusan. Habang sinusuyod ko ang mga aklatan upang makakalap ng mga datos, napansin kong isa sa mga idinadaing ng mga misyonero ay ang mangangalakal na Tsino. Bukod sa pagtitinda ng mga produktong nakakagumon, sinasamantala ng mga Tsino ang kawalang-muwang ng mga Manobo patungkol sa halaga ng mga produkto.
Ang mga Manobo mula sa ilaya ay nangangalap ng mga pagkit (beeswax) upang ipagpalit ng mga kapirasong bakal sa mga mangangalakal na Tsino nakadaung sa bungad ng ilog Agusan. Ngunit, ang mga Tsino ay naniningil ng halagang lubhang mas mataas kesa tunay na halaga ng kanilang mga paninda. Dagdag dito, pinapayuhan ng mga mangangalakal ang mga Manobo na iwasan ang mga misyonero at ang mga gawain nitong pagtatatag ng mga pamayanan sa ilalim ng kampana. Sa inis, binansagan ng mga misyonero ang mga kalakalang ito bilang gawain ng demonyo.
Ito ang nagbunsod sa akin na palalimin pa ang aking pag-aaral sa kalakalang ilawud-ilaya.

B. Ang Mga Konsepto ng Ilawud at Ilaya

Ang konsepto ng ilawud at ilaya ay likas sa mga Pilipino bilang isang lipi. Ang ilawud ay nangangahulugang “sa dakong papuntang dagat o lawud.” Ang ilaya ay nangangahulugang “sa dakong itaas, sa pinagmulan ng ilog”
Sa mga Maranao, ang ilawud ay tinatawag na lilod at ang ilaya ay raia.1 Sa mga Maguindanao, ilud at raya, na ayon sa pag-aaral, ay may mahahalagang sentro ng kapangyarihan.2
Sa mga Ilokano, ang mga konseptong ito ay kilala bilang laud at daya3 Sa mga Surigaonon, ang mga konseptong ito ay kilala bilang ilawud at ilaya4 Sa Cordilleras, ilakud para sa mga pamayanan sa kapatagan at iwanga o aplay para sa mga pamayanan sa kabundukan.5
Ang mga salitang daya, raya o laya na ang kahulugan ay “sa ibabaw na bahagi ng ilog” o “sa itaas” ay pangkaraniwang salitang ugat sa maraming wika at diyalektong Pilipino. Ang mga katutubong nananahanan sa mga looban at sa kabundukan ay tinatawag na Irraya, Ilaya, Mandaya sa buong kapuluan.6 Noong 1624, ang mga Pareng Rekoletos ay matagumpay na nakapagtatag ng misyon sa Linao (ngayon ay bahagi ng Bunawan, Agusan del Sur). Nagtayo sila ng kumbento na tinawag na La Ylaya sa ilalim ng pangangalaga ni Santa Clara de Montefalcon.7

C. Ang Kalakalang Ilawud-Ilaya

Sa pangkalahatan, ang mga katutubo sa Pilipinas ay may dalawang uri ng pananahanan. May naninirahan malapit sa baybaying dagat at mayroon din namang mas piniling manirahan sa looban. Ito’y napuna at naitala ni Miguel de Loarca, na naging encomendero ng Butuan at kasapi ng 1564 espedisyon ni Miguel Lopez de Legazpi. Ayon sa kanya:

May dalawang uri ng mga tao sa lupaing ito, bagama’t nabibilang sa iisang lahi, magkaiba sa mga pamamaraan at halos hindi magkasundo. Kasama sa unang uri ang mga naninirahan sa may baybayin, at sa pangalawa naman ay naninirahan malapit sa kabundukan. Kung may kapayapaan mang naghari sa dalawang pangkat, ito ay dahil sila’y umaasa sa bawat isa para sa mga mahahalagang pangangailangan sa buhay. Ang mga nasa bundok ay hindi nabubuhay kung wala ang mga isda, asin, at iba pang pagkain mula sa sa may baybayin kasama na ang mga banga at pinggan na nagmumula sa ibang lugar. Sa kabilang dako naman, hindi nabubuhay ang mga nasa baybayin kung wala ang bigas at bulak mula sa kabundukan.8

Kinumpirma ang obserbasyong ito ni Diego de Artieda, isa pang kasapi ng 1564 espedisyon ni Legazpi. Inulat niya na ang mga naninirahan sa mga baybayin ay mga mangingisda na nakikipagkalakalan ng mga huling isda sa mga naninirahan sa looban na sila namang nagbubungkal ng lupa.9

Idinagdag pa ni P. Francisco Colin, S.J. (sumulat noong 1663) na ang mga naninirahan sa baybayin ay nililinang ang mga karagatan hindi lamang para sa pangingisda kundi pati na rin sa pangangalakal sa mga naninirahan sa iba pang mga pulo maging sa mga karatig bansa. Ang mga naman ilog ang naging mahalagang daan sa kalakalan sa pagitan ng mga kapatagan o lunas at mga kabundukan.10
Ang mga mauunlad na pamayanan noong mga panahon bago dumating ang mga Espanyol ay may mga masigasig na kalakalang panlabas, kalakalang sa iba pang mga pulo ng Pilipinas at kalakalang ilawud-ilaya.
Batay sa mga pangunahing batis pangkasaysayan at mga pag-aaral ng mga arkeologo, ang mga pamayanan ng Maynila, Laguna, Sulu, Cebu, Calatagan, Butuan, Cotabato, Lingayen at Lambak ng Cagayan ay mga kalahok sa mga sa mga nabanggit na kalakalan.11


1. Ang Kalakalang Panlabas
Ang mga mangangalakal mula sa Asya, lalong-lalo na sa Champa (ngayon ay Vietnam), Amoy (sa China) at mga daungan sa hilaga ay naglalayag taon-taon sa halos lahat ng daungang pangkalakalan sa Timog Silangang Asya kasama na ang P’u-tuan (Butuan) sa ilawud.

Ang kalakalang Tsino-Butuan ay pinagtibay hindi lamang sa mga nahukay na labing arkeolohikal kundi pati na rin sa mga pangunahing batis pangkasaysayan lalong-lalo na sa mga tala ng Dinastiyang Sung kung saan naitala ang P’u-tuan bilang tributario mula 1001 hanggang 1007 A.D. Kasama sa talaan ng mga tributario ang mga taga Arabia, Sanmalan, Syria, Tibet, Uighur at mga samu’t saring pangalan ng mga lahi na nagbibigay-pugay sa kadakilaan ng China.
Dalawang paraan ang kalakalang panlabas ng Butuan. Ang tuwiran at ang hindi tuwirang kalakalan. Ang tuwirang kalakalan ay bunga ng pagsisikap at lakas ng loob ng mga taga-Butuan. Gamit ang mga balangay, tinatawid ng mga mangangalakal na tag-Butuan ang malawak na karagatan ng Kanlurang Pilipinas upang direktang mamili sa China. Noong Octobre 3, 1003, si Li-ihan ay pinadala ng hari ng Butuan na si Ch’i-ling para makipagkalakalan sa China. Noong 1007 at 1011, nagpadala ng mga kinatawan ang Butuan sa China upang hingiin ang pagkilala sa estado ng Butuan bilang kapantay sa Champa. Hindi ito nakamit ni Likan hsieh noong 1007. Ngunit, ito’y nakamit ni I-hsu-han noong 1011. Ang mga kalakalan ng Butuan, kasama ang Mindoro at Borneo ay naitala sa mga talaan ng China hanggang 1373 sa panahon ng Dinastiyang Ming.
Liban sa mga produkto ng Butuan tulad ng pagkit, dagta, kabebe, ginto, alipin, atbp., dala din ng mga Butuanon ang mga produkto ng iba pang bahagi ng Timog Silangang Asya tulad ng camphor, Moluccan clove at mga ibon (parrots).12
Simula noong ika-13 siglo, ang karaniwang kalakalan ay hindi na naging tuwiran. Naging himpilan na lamang ng mga mangangalakal na taga-Borneo at Maynila ang Butuan, Mindoro at Sulu.13 Noong 1565, ang mga mangangalakal mula Borneo at Maynila ang nangunguna sa pagtitinda sa buong kapuluan ng mga produktong angkat sa China. Dahil dito tinatawag na rin silang mga Tsino.14



2. Ang Kalakalang Ilawud-Ilaya

Ang pangangailangan sa kalakalang panloob ay ramdam sa ilawud. Ito’y dahil binibisita ito ng mga mangangalakal mula sa Luzon at Borneo na masiglang nakikipagkalakalan sa China.15 Ang mga mangangalakal na ito ay bumibili ng mga yamang-gubat tulad ng pagkit, dagta at iba pa. Ang pagkit ay napakahalagang gamot sa China. Ito rin ay ginagamit sa molde ng mga kagamitang tanso at bronze. Ang mga dagta naman ay ginagamit bilang mga insenso sa mga mahahalagang seremonya sa China. Ito rin ay ginagamit pantapal sa mga maliliit na siwang ng mga banca.16 Ito rin ay mahalagang element sa medisinang Arabe.

Upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga produktong nagmumula sa kagubatan, kailangan ng ilawud na makipagkalakalan sa mga naninirahan sa ilaya. Sa pamamagitan ng banka, maliit na balangay o kaya’y gakit (balsa), ang mga taga-Butuan ay naglalayag papunta sa magubat na looban ng Agusan. Punong-puno ang sasakyan ng mga produktong gawa at angkat ng ilawud samu’t-saring kagamitang keramika at losa, seda, bakal, lata, ginto, makukulay na tapiserya, atbp. Noong ika-19 dantaon, nadagdagan pa ito ng iba pang produkto tulad mumurahing hiyas, bagoong, tuyo, tininang tela at alak.

Ang paglalayag papunta sa ilaya ay walang pinipiling panahon. Kailangan lamang iwasan ang mga buwang lubha ang ulan. Ito ay ang mga buwan ng Disyembre hanggang Marso. Ang sobrang pag-ulan ay nagdudulot ng pag-apaw ng ilog at pagbaha na nagbubunga naman sa paglubog ng mga pamayanan sa ilaya. Madalas iniiwanan ng mga mangangalakal ang mga gakit (balsa) upang maligtas sa nag-uumapaw na ilog.17

Sa loob ng ilang oras na paglalayag mula sa ilawud, mararating ang Amparo. Dumadaong mangangalakal sa mga tabing-ilog malapit sa mga kabahayan at naglalatag ng mga paninda. Ang lugar ng kalakalan ay tinatawag na tabuan. Dahil minsan ay alanganin sa ani ang pagdating ng mga mangangalakal, pinapautang na lamang nila ang kanilang paninda sa mga nagnanais. Ang utang ay tinatawag na binatuan. Ang utang ay tunay na pinaninindigan ng mga katutubo.18 Sa katunayan, ang hindi nakababayad ng utang sa takdang panahon ay labis na nahihiya ay kailangan humingi ng tawad, balibad, na may kaakibat na parusa – ito ay ang pagbibigay ng manok o kaya’y pagkain sa pinagkakautangan.
Sa loob ng isang araw na paglalayag, matatagpuan ang pamayanan ng Las Nieves. Ang pamayanang ito ay matatagpuan sa tabing-ilog ng Agusan sa may bunganga ng isang sanga ng ilog. At mula sa Las Nieves, may anim na oras na paglalayag pa-ilaya upang marating ng mangangalakal ang Remedios. Noong 1879, halos may isanlibong Manobo ang lagalag sa paligid ng Remedios at ilog Uhot.19 Malapit sa Remedios ang La Esperanza, dito naman nagtatagpo ang mga Manobo mula sa mga ilog ng Wawa at Hawilian. Ang mga nabanggit ay mga mahahalagang tabuan kung saan ang mga Manobo ay naghahagilap ng kahit anong may halaga na maaaring ipagpalit sa mga produktong ilawud na magugustuhan.

Ang iba pang mahahalagang tabuan ay ang Talacogon at Bunawan. Sa Talacogon, noong 1867, ang mga Manobo ay may pataniman na ng camote, gabi, saging atbp. upang itinda.20 Sa tabuan ng Bunawan naman nagtatagpo ang mga Manobo mula sa Bunawan, Simulao, Maikal at Manat.
Tinatayang inaabot sa isang buwan ang pangangalakal sa ilaya.21

D. Bilang Pangwakas: Bunga ng Ugnayan
Dahil sa kalakalang ito, naging maunlad ang pamayanan sa ilawud. Bilang tagapamagitan, babad ang ilawud sa mga gamit na inangkat. Umunlad ang industriya ng pagpapalayok, pagpapanday, pagmimina at pagawa ng balangay at banca. Ang pangkaraniwang mamayan din ay nahasa sa pangisngisda, pagsasaka, pangangaso at paggawa. Dumami ang mga bisayang mangangalakal ay pinili nang manirahan sa Butuan, Bunawan, and Talacogon.

Ang mga taga-ilaya naman ay nakinabang sa kalakalan. Itinuturing nilang kayamanan ang mga produkto ng ilawud. Ang mga angkat na banga at pinggan mula sa China ay itinuturing na bahandi at ginagamit lamang ito kapag may mahahalagang pagdiriwang o ritwal. Ang iba pang produkto ng ilawud tulad ng alahas, sandata, palayok atbp. ay ginagamit bilang mga pabaon sa libing, bigay-kaya o kaya’y gamit sa bahay.

Noong huling bahagi ng ika-19 dantaon, ipinakilala ng mga taga-ilawud ang mga alak at iba pang produktong nakakagumon sa ilaya. Liban dito, naging talamak din ang pagtutubong-lugaw ng presyo ng produktong ilawud.22 Ito’y ikinagagalit ng mga misyonerong Hesuita. Nahikayat nila ang pamahalaan na ipagbabawal na kalakalang ilawud-ilaya. Ang pamahalaan na mismo ang magtatag ng mga pamilihan.23 Mahigpit ding ipinagbabawal ang pang-aalipin at pagbibenta nito. Ngunit, ayaw paaawat ang mga mangangalakal at nagtuloy-tuloy ito.



1 Ang lilod sa Maranao ay nangangahulugang “sa papuntang baba ng ilog o lugar sa baba ng ilog” at raia (raya) ay nangangahulugang “sa gawing itaas ng ilog.” Tingnan Howard P. Mc Kaughan at Batua A. Macaraya, A Maranao Dictionary, (Honolulu: University of Hawaii Press, 1967), pp. 213, 249.
2 Tingnan Reynaldo C. Ileto, Maguindanao: 1860-1888 The Career of Datu Uto of Buayan (Ithaca: Cornell University, 1971).
3 Ferdinand E. Marcos, Tadhana: The History of the Filipino People, vol. 2, part 1 (Manila: Ferdinand E. Marcos, 1976) pp. 329-330.
4 Fernando A. Almeda, Jr., Story of the Province of Surigao Across the Years (Quezon City: Heritage Publishing House at PNHS, 1993), p.49.
5 Jaime B. Veneracion, Agos ng Dugong Kayumangi (Quezon City: Abiva Publishing House, Inc., 1990), p. 43-44.
6 William Henry Scott, “Creation of a Cultural Minority,” Cracks in the Parchment Curtain (Quezon City: New Day Publishers, 1994),p. 33.
7 Peter Schreurs, “The Odyssey of Bunawan andTalacogon: 1867-1879, Kinaadman, vol . 7, no. 1 (1985) pp.1-2.
8 Miguel de Loarca, Relations of the Filipinas Islands, Blair and Robertson, vol. 5, p.121.
9 Tingnan, Ferdinand E. Marcos, “At the Source: Peoples Upstream,” Tadhana: The History of the Filipino People (Manila: Ferdinand E. Marcos, 1976), vol. 2, part 1, p.330.
10 Francisco Colin, S.J. “Native Races and their Customs,” Blair and Robertson, vol. 40, pp.45-47.

11 Jaime B. Veneracion, Agos ng Dugong Kayumangi (Quezon City. Abiva Publishing House, Inc., 1990), p. 40. Tingnan din si Eric S. Casiño, The Filipino Nation (USA Grolier International, Inc., 1982), vol. 2, pp.22-27.
12 William Henry Scott, Prehispanic Source Materials for the Study of Philippine History, (Quezon City. New Day Publishers, 1984) pp.66-67.
13 William Henry Scott, Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1991) p.164.
14 Isacio R. Rodriguez, Historia de la Provinciana Augustiana del Smo Nombre de Jesus de Filipinas, vol. 13 (Manila: 1978) p. 467.
15 Miguel Lopez de Legazpi, “Relation of the Voyage to the Philippines (1564-1565),” in Gregorio F. Zaide and Sonia M.Zaide, Documentary Sources of Philippine History, vol. 2 (Manila: National Bookstore, Inc, 1990), p. 9 et.seq.
16 Eric S. Casiño, The Filipino Nation (USA: Grolier International Philippines Inc., 1982) p. 73.
17 Juan Heras, Sulat para sa Misyon Superior, Nueva Jativa, 13 Nobiyembre 1884, Cartas 6:255-266.
18 Saturnino Urios, Sulat para sa Misyon Superior, Talacogon, 25 January 1881, Cartas 5:3-8.
19 Saturnino Urios, Sulat para sa Misyon Superior, Bunawan, 11 Mayo 1879, Cartas 3:39-43.
20 Aniceto Beray, Sulat para kay Sr. Exmo. Capitan Grãl de estas Islas Filipinas, Talacogon, 20 June 1867: Pambansang Sinupan ng mga Tala, Manila, Exp. 9, Fol. 180-180B.
21 Joseph Montano, “A Rugged Journey Across Tribal Mindanao One Hundred Years Ago,” Peter Schreurs, (trans), Kinaadman Vol. 5 (1983), p.326.
22 Sawyer, Frederic H., The Inhabitants of the Philippines (New York: Charles Scribner’s Sons, 1900) pp. 332-333.

23 Saturnino Urios, Sulat para sa Misyon Superior, Talacogon, 25 January 1881, Cartas 5:3-8.

Comments

Popular posts from this blog

Kabataang Mula sa K to 12 Tagapagdala ng Kaunlaran sa Buong Pilipinas

Kalayaan, Pero Ano?