Kabataang Mula sa K to 12 Tagapagdala ng Kaunlaran sa Buong Pilipinas

Photo credit: Ms. Jinky Carreon
(Ang talumpating ito ay aking isinalaysay noong Abril 1, 2016 sa Ikapitong Pagtatapos ng Doña Asuncion Lee Integrated School (DALIS), Tabun, Mabalacat City, Pampanga. Inialay ko ito sa aking dating paaralan, ang Butuan Central Elementary School (BCES), Butuan City.)


Una sa lahat, binabati ko kayo sa araw ng inyong pagtatapos. Binabati ko rin ang inyong mga magulang na nandirito ngayon; ang mga opisyales at kinatawan ng Department of Education (DepEd), sa pamumuno ni Dr. Elizabeth O. Latorilla; ang Punong Guro na si Gng. Arlene C. Vidal; mga Ulong Guro; mga opisyales ng PTA, sa pamumuno Gng. Marie Kristine Carinan; mga magulang, 
mga kamag-anak, mga kaibigan at mga panauhin, magandang hapon sa inyong lahat!

 



Nais kong pasalamatan ang mga bumubuo ng pamunuan ng Doña Asuncion Lee Integrated School (DALIS), sa Xevera, Tabun, Mabalacat City, Pampanga sa pag-imbita bilang panauhing pandangal at magtalumpati sa harapan ninyo ngayon. Nagpapasalamat din ako sa mga guro natin na nandirito, sila ang nagpapa-alala sa akin ng aking kabataan. Kung hindi siguro nagtiyaga ang aking mga guro noon, hindi ko marating ang pagiging abogado ko ngayon. At kahit ano pa man ang mararating natin sa buhay, kapag nakita natin ang ating guro sa elementarya, laging bumabalik ang ating kabataan.


Nais ko ipabatid sa inyo na noong ako’y nagtapos sa elementarya sa Butuan Central Elementary School, noong 1989, ako’y hindi honor pupil. Kaya naman ako’y hindi nabigyan ng pagkakataon na magsalita sa isang pagtatapos na tulad nito. Dahil bagama’t ako’y magaling at matalino, mayroon pa ring mas magagaling sa akin. Pero, sa aking pagbabalik-tanaw, hindi na ako dapat magtampo sa nakaraan. Kasi ngayon naman ay napagbibigyan ninyo ako.



Kaya sa ating unang karangalan na Kimberly Justine Rose C. Adajar at sa ating ikalawang karangalan na si John Clifford C. Piñera, sampu ng iba pang mga honor pupils, binabati ko kayo ng isang masayang pagbati. Ipagpatuloy ang mahusay ninyong nasimulan. Sana hanggang kolehiyo, kayo ay honor students pa rin.

Sa mga nagsisipagtapos naman na walang karangalan sa hapong ito, tayo yaong mga tinaguriang "late bloomers." Sa senior high school at sa college nalang tayo bumawi. At huwag kayong mag-alala, marami pang pagtatapos kung saan kayo’y maaaring maanyayahang magsalita. Galingan niyo lamang ang inyong pag-aaral, buhay at trabaho at kayo rin ay mapapansin at makapagsalita rin kayo sa isang pagtatapos.

Tulad ng marami sa atin, hindi ko na naabutan ang K to 12. Pero batid ko ang kahalagahan nito sa bawat kabataang Pilipino at sa bansa. Ang naabutan kung curriculum ay ang Program for Decentralized Education (PRODED) at Secondary Education Development Program (SEDP) noong ako’y nasa mababa at mataas na paaralan. Habang ang kurikulum na inyong tinatamasa ay may diin sa mga kakayahan na maghahanda sa inyo sa mundo ng pagtatrabaho o pagnenegosyo, ang naabutan kong kurikulum ay may diin sa edukasyong pagpapahalaga o values education. Kaya naman inaasahan sa aming henerasyon na maging 
mga Pilipinong makadiyos, makatao at makabayan.

Matagal pa bago tuluyan nating maramdaman ang bunga ng K to 12 bilang isang mahalagang reporma sa Edukasyon. Ngunit ngayon pa man ay makaka-asa na tayo na ang mga pagbabagong ito ay magbubunga ng mga mag-aaral na mas handa sa buhay, mas may kakayahan at mas may malawak na pag-unawa sa mundo na kanilang ginagalawan. Inaasahan namin sa inyo, kahit sa mura ninyong mga edad, na kayo’y maging mapanuri, mapagnilay, mapanagutan, produktibo, makakalikasan, makabansa, at makatao na may pambansa at pandaigdigang pananaw.

Hindi natin pinahaba ang pag-aaral sa basic education ng walang dahilan. Nais ng bansa na bago magtapos o umalis ng paaralan ang isang mag-aaral ay mayroon na siyang angking mga kakayahan upang makipagsabayan sa mundong hitik sa paligsahan. Mayroon na siyang angking galing na mahalaga at kailangan upang makapagtrabaho o makapagnegosyo. Sa madaling salita, madiskarte na siya sa buhay. Dapat walang umaalis ng paraalan na walang kakayahan.

At kung ganyan ang ating mga kabataan, napaka-angkop ang ating tema sa pagtatapos na ito: Kabataang Mula K to 12, Tagapagdala ng Kaunlaran sa Bansang Pilipinas. Sa tulong ng bawat isa, lalong lalo na ang mga mag-aaral mismo, ang K to 12 ay magdudulot ng pambansang pag-unlad at pagbabago. Kayo na nga ang tinutukoy ni Dr. Jose Rizal sa kanyang akdang A La Juventud Filipina (Sa Kabataang Pilipino), kung saan sinulat niya: la juventud, bella esperanza el la patria mia (ang kabataan, ang matamis na pag-asa ng aking bayan).

Kaya ngayon pa man ay hinuhusgahan na natin ang K to 12 bilang epektibong paraan upang makamit ang pang-indibidual, panlipunan at pambansang pag-unlad. Marami sa mga kakayahan sa K-12 ay matagal niyo nang alam. Isa na rito ang pagharap sa mga hamon ng buhay bilang mga Filipino sa makabagong panahon. Ang Pagtatapos na ito ay simula pa lang ng mas matindi pang hamon sa susunod na hakbang ng buhay – ang mataas na paaralan. Ngunit ang pagdating palang sa antas na ito ay isa na ring tagumpay. Ang araw na ito ay tatatak sa inyong mga puso bilang araw ng habambuhay na pagbabago – isang mahalagang sangkap ng K-12.

Magbabago na ang mga paningin ninyo sa inyong sarili, pamilya, pamayanan at sa mundo. Magbabago na ang lahat dahil iba na ang antas ng inyong edukasyon. May mga diploma na kayong hawak. Mga diploma na inyong pinagsikapan kasama ng inyong mga magulang. Mag-iiba na ang paningin ninyo sa sarili. Tataas na ito dahil napatunayan na ninyo na may kakayahan pala kayong maabot ang inyong mga minimithi sa buhay. Na ang tagumpay na nakamit ng iba ay kaya niyong tumbasan o higitan. Ito’y sa kabila ng mga hamon na inyong kinakaharap.

Madalas hindi natin naiintindihan ang mga kinikilos ng ating mga magulang. Masyado silang 
kuripot, mahigpit at labis sila kung mag-alala. Magsisimula na rin ang malalim na pag-intindi ninyo sa mga paghihirap ng inyong mga magulang. Ang pagbabagong ito ay bunga na rin ng inyong pagtanda. Sa inyong pagtanda, mapagtanto ninyo na mahirap pala ang kumita ng pera. Mahirap pala magbadyet upang mapagkasya ang kita sa pangangailangan. Kahit ang pantustus sa mga gastusin sa Pagtatapos na ito ay kailangan pang pag-ipunan. Ang pagdiriwang na gaganapin mamaya ay matagal ding pinaghandaan. Kaya unti-unti ninyong maintindihan ang ka-kuriputan ang inyong mga magulang. Mapagtanto niyo rin na ang mundo ay lubhang mapanganib, na nagsilipana ang mga masasamang loob at mapagsamantala, kaya naman unti-unti ninyong maintindihan kung bakit sila mahigpit at labis kung mag-alala. Ang Pagtatapos na ito ay hudyat ng inyong pagtatanda. Kaya naman madalang sa mga batang Pilipino na nakatapos ang maging makasarili at binabaliwala ang mga magulang pagkatapos ng sakripisyo nila.

Magbabago na rin ang pagtingin ninyo sa ating pamayanan at mundo. Ang dating nadadala lamang sa mga laro-laro at biru-biro, ngayon ay seriyosohan na. Unti-unti niyo na ring mahahanap ang mga taong nababagay sa inyo at maging kasabay ninyo sa pangarap.

Bilang edukadong mga kabataan, kayo ang inaasahang maging makabagong leader ng bansa. Sikapin ninyong baguhin ang mga nakagisnang gawaing hindi naaayun sa nakalakhan at natutunang pagpapahalaga. Pilitin ninyong linisin ang nabubulok na sistema ng pamumunu, usigin ang mga kurakut, kayo na siyang tagapagmana ng mundo. Kailangan kayo ng mundo, hinihintay kayo ng ating mundo!

Hihintayin ko ang araw na makikita ko kayo na namumuno na sa ating bansa. Patnubayan nawa kayo ng Panginoon sa inyong hangarin.

Magandang hapon sa inyong lahat.

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Ang Kalakalang Ilawud-iIaya sa Agusan Noong Panahon ng mga Espanyol

Kalayaan, Pero Ano?